Kinondena ng National Maritime Council (NMC) ang inilabas na video ng China Daily na umano’y naglalaman ng mapanlait at rasistang paglalarawan sa mga Pilipino.
Ayon sa NMC, hindi ito naaayon sa pamantayan ng responsable at etikal na pamamahayag at nakasasama sa ugnayan ng mga bansa.
Iginiit ng konseho na nananatiling nakabatay ang posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Arbitral Award.
Sinabi rin ng NMC na hindi mababago ng propaganda, disinformation, o mapanirang nilalaman ang legal na karapatan ng bansa.
Suportado rin ng konseho ang pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of National Defense (DND) kaugnay ng isyu.
Nanawagan ang NMC sa lahat ng estado at mga state-affiliated institution na pairalin ang responsableng komunikasyon at paggalang sa isa’t isa upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan.