Photo courtesy of PHIVOLCS
Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ang PHIVOLCS sa Bulkang Mayon ng 185 rockfall, 180 volcanic earthquake, 13 volcanic tremor na tumagal ng 1 hanggang 25 minuto, at 18 Pyroclastic Density Current (PDC) signals o uson, ayon sa ulat ng ahensya ngayong July 18, 2026.
Nakitaan din ng banaag (incandescence) ang bulkan habang nagpapatuloy ang pagdaloy ng lava sa mga gulod ng Basud (3.8 km), Bonga (3.2 km), at Mi-isi (2.1 km), kasabay ng Strombolian activity at lava effusion.
Umabot sa 3,748 tonelada bawat araw ang sulfur dioxide flux ng bulkan, batay sa pinakahuling monitoring ng ahensya noong July 17.
May taas na 1,800 metro mula sa crater ang plume ng bulkan, na nasa katamtamang pagsingaw at napadpad sa timog-timog-silangan.
Naitala rin ang panandaliang pag-impis ng bulkan, kasabay ng nagsisimulang pamamaga sa hilagang-silangang bahagi nito.
Sa ngayon, nananatiling nakataas ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon, kaya mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.
Pinaalalahanan din ng ahensya ang publiko sa posibilidad ng pagguho ng mga bato, pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, uson, katamtamang pagputok, at pag-agos ng lahar sakaling magkaroon ng matinding pag-ulan.