Binigyang-diin ni Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V na hindi pwedeng sabihin na walang nalalaman si Atty. Michael Wesley Poa hinggil sa kontrobersya sa confidential funds ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay Ortega, nagsilbi ito bilang tagapagsalita at dating chief of staff ni Bise Presidente Sara Duterte.
Inilarawan ni Ortega si Poa bilang “mouthpiece ” ng Bise Presidente noong namumuno pa ito sa DepEd.
Nakatakdang tumestigo si Poa ngayong linggo sa Senate impeachment court bilang prosecution witness kaugnay ng umano’y maling paggamit ng ₱112.5 milyong confidential funds sa DepEd noong 2023.
Hihilingin ng House prosecution sa korte na ideklara si Poa bilang hostile witness, lalo’t kabilang na ito ngayon sa defense team ng Bise Presidente.
Sumang-ayon din si Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. sa panawagang maging tapat si Poa sa kanyang nalalaman bilang isa sa mga matataas na opisyal ng DepEd noon.
Bahagi ang testimonya ni Poa sa paglilitis sa Article I kung saan inakusahan ang Bise Presidente ng umano’y maling paggastos at irregular na pag-liquidate sa kabuuang ₱612.5 milyong confidential funds.