Mas pinaigting ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kahandaan nito sa maritime security at explosive ordnance disposal (EOD) matapos makilahok sa magkahiwalay na multinational exercises sa Rim of the Pacific (RIMPAC) 2026 sa Hawaii.
Nakibahagi ang PCG sa Maritime Security Operations Exercise kasama ang U.S. Coast Guard at Mexican Navy, kung saan nagsagawa ng coordinated boarding operations upang mapahusay ang tactical proficiency, communication, at interoperability sa pagpapatupad ng maritime law enforcement at security.
Sinundan ito ng Subject Matter Expert Exchange sakay ng BRP Gabriela Silang, kung saan tinalakay ang mga pinakamahusay na pamamaraan at mahahalagang aral sa operasyon.
Kasabay nito, lumahok din ang PCG Explosive Ordnance Disposal Team sa multinational rigging exercise na pinangunahan ng U.S. Navy, kasama ang mga tauhan mula sa Japan, Peru, Mexico, at New Zealand. Nakatuon ang pagsasanay sa lifting, salvage, at recovery operations upang higit pang mapaunlad ang teknikal na kakayahan ng mga kalahok.
Ayon sa PCG, ipinakikita ng kanilang aktibong partisipasyon sa RIMPAC 2026 ang patuloy na pagpapalakas ng kakayahan ng bansa sa maritime security at ang pakikipagtulungan sa mga kaalyadong bansa para sa mas ligtas at mas matatag na seguridad sa rehiyon.