Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na palawakin pa ang kapasidad ng mga drainage system sa mga bahaing lugar sa Metro Manila matapos mapatunayan ang tagumpay ng drainage improvement project sa Quezon City.
Ayon sa DPWH, mas mabilis nang humuhupa ang baha sa Barangay Tatalon kasunod ng pagsasaayos ng drainage system sa kahabaan ng G. Araneta Avenue hanggang E. Rodriguez Sr. Avenue.
Dati ay inaabot ng tatlo hanggang limang oras bago mawala ang pagbaha sa lugar, ngunit ngayon ay ilang minuto na lamang at agad nang humuhupa ang tubig.
Bago magsimula ang tag-ulan, ipinatupad ang proyekto gamit ang mas matitibay na High-Density Polyethylene o HDPE pipes upang mapabilis ang daloy ng tubig at mabawasan ang pagbaha sa Quezon City at mga karatig-lugar.
Dahil sa positibong resulta ng proyekto, target ng pamahalaan na ipatupad ang katulad na drainage improvements sa iba pang flood-prone areas sa National Capital Region (NCR) upang higit na maprotektahan ang mga residente laban sa matinding pagbaha.