Nananatiling nasa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon matapos makapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng 97 volcanic earthquakes sa nakalipas na 24 oras, kabilang ang tatlong volcanic tremors na tumagal ng isa hanggang anim na minuto, batay sa inilabas na bulletin ngayong July 19, 2026.
Ayon sa PHIVOLCS, nagpapatuloy ang effusive eruption ng bulkan sa ika-195 magkakasunod na araw.
Nakunan din ng camera ng Mayon Volcano Observatory ang minor Strombolian activity sa bunganga ng bulkan bandang 2:16 ng madaling araw. Patuloy rin ang pagdaloy ng nagbabagang lava at pagguho ng mga bato mula sa tuktok ng bulkan.
Naitala rin ang Strombolian activity at pagdaloy ng lava sa mga gully ng Basud (1.5 km), Bonga (1.8 km), at Mi-isi (2.0 km), kasama ang 314 rockfall events at isang pyroclastic density current.
Nakikita pa rin ang crater glow, habang umabot sa 1,499 tonelada kada araw ang sulfur dioxide emission na naitala noong July 18.
Umabot naman sa 1,800 metro ang taas ng volcanic plume na inanod patungong timog-timog-silangan.
Patuloy na ipinagbabawal ng PHIVOLCS ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan.
Nagbabala rin ang ahensya sa posibilidad ng pagguho ng bato, pag-agos ng lava, pag-itsa ng tipak ng lava, pagbuga ng abo, katamtamang pagsabog, at lahar sakaling magkaroon ng malalakas na pag-ulan. Pinapayuhan ang publiko na manatiling mapagmatyag at mahigpit na sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad.