Photo courtesy of DSWD Secretary Rex Gatchalian Facebook
Kinatigan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang inilabas na Executive Order ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nagpapalawig sa maximum na pitong taong partisipasyon ng mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, layunin ng kautusan na mabigyan ng dagdag na panahon ang mga pamilyang hindi pa ganap na nakakamit ang kakayahang mamuhay nang hindi umaasa sa programa.
Nilinaw ng Kalihim na hindi permanente ang pananatili ng mga benepisyaryo sa 4Ps dahil dadaan pa rin sila sa pagsusuri batay sa kanilang kalagayan at kahandaan upang makapagtapos sa programa.
Ipatutupad ng ahensya ang direktiba sa pamamagitan ng mas pinahusay na Social Welfare and Development Indicator (SWDI) upang masukat ang estado ng bawat pamilya at matukoy ang angkop na tulong.
Hinikayat ng DSWD chief ang publiko at mga benepisyaryo na umasa lamang sa mga opisyal na anunsyo ng ahensya kaugnay ng pagpapatupad ng bagong kautusan.