Magkakaloob ang pamahalaan ng ₱3.9 milyong halaga ng United Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) assistance sa Region 1 bukas, Hulyo 20, 2026.
Kasabay ito ng nakatakdang nationwide kick-off ng UPLIFT assistance kasunod ng anunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang programa.
Ayon sa DSWD Field Office 1, sa Region 1 unang ipatutupad ang programa sa mga lalawigan ng La Union, Ilocos Norte, at Pangasinan.
Sa paglulunsad ng programa, inaasahang makikinabang sa UPLIFT assistance ang 101 benepisyaryo sa Ilocos Norte, 113 sa La Union, at 1,748 sa Pangasinan, para sa kabuuang 1,962 benepisyaryo.
Ipagkakaloob ang kabuuang ₱202,000.00 na halaga ng UPLIFT assistance sa Ilocos Norte, ₱226,000.00 sa La Union, at ₱3,496,000.00 sa Pangasinan, para sa kabuuang ₱3,924,000.00 sa tatlong lalawigan.
Itinatakda ng programa ang pagkakaloob ng ₱2,000.00 na UPLIFT assistance sa bawat benepisyaryo.
Magugunitang inanunsyo ni Pangulong Marcos na aabot sa 7.5 milyong kabahayan sa buong bansa ang tatanggap ng UPLIFT assistance. Bahagi ito ng layunin ng pamahalaan na matulungan ang mga mamamayan upang mabawasan ang epekto ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East. | ulat ni Glenda B. Sarac | RP Agoo