Photo courtesy of Land Transportation Franchising and Regulatory Board - LTFRB
Muling ipatutupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang fixed pick-up fare para sa mga Transport Network Vehicle Service (TNVS).
Ayon kay LTFRB Chairman Vigor Mendoza II, layunin nito na matulungan ang mga driver sa gitna ng tumataas na gastos at maprotektahan ang mga pasahero laban sa hindi awtorisadong singil.
Sa ilalim ng LTFRB Memorandum Circular No. 2026-059, hanggang limang kilometro lamang maaaring maningil ng pick-up fare mula sa booking point.
Nasa ₱24 hanggang ₱289 ang itinakdang singil depende sa uri ng sasakyan at layo ng pick-up point.
Ayon kay Mendoza, isinasaalang-alang sa polisiya ang oras, gasolina, at iba pang gastusin ng mga driver, lalo na sa matinding trapiko sa Metro Manila.
Inatasan din ang mga ride-hailing company na malinaw na ilahad ang pick-up fare bago kumpirmahin ang booking at isama ito sa resibo. Magkakabisa ang polisiya matapos mailathala sa isang pahayagan.