Nagpapatuloy ang palitan ng pahayag sa social media sa pagitan ni Senador Robinhood Padilla at West Philippine Sea Transparency Group Spokesperson Rear Admiral Jay Tarriela kaugnay ng kontrobersyal na AI-generated cartoon mula sa Chinese media na umani ng batikos dahil sa pag-atake nito sa 2016 Arbitral Award na pumabor sa Pilipinas.
Sa kanyang tugon, isa-isang sinagot ni Tarriela ang mga punto ni Padilla. Nilinaw niyang ang racist na AI video ay ginawa at ipinakalat ng Chinese media, kaya aniya ang China ang dapat managot at kondenahin, at hindi ang kanyang sarili o ang kanyang lecture sa isang unibersidad.
Ayon kay Tarriela, ang sinasabi namang caricature ni Padilla ay bahagi ng isang satirical presentation, hindi “wartime propaganda,” hindi rin ito umano sadyang inilathala sa publiko at hindi dapat gamitin bilang paliwanag o dahilan sa paglabas ng racist na AI video.
Nauna na ring tinutulan ni Tarriela ang pahayag ni Padilla na ang transparency initiative ng pamahalaan ay nagpapalala ng tensyon.
Aniya, layunin lamang ng naturang programa na idokumento at ilantad ang mga insidente ng panliligalig at agresyon ng China laban sa mga mangingisdang Pilipino at sa mga sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa West Philippine Sea.
Pinabulaanan din ng Rear Admiral ang paratang na siya ang nagpasimula ng pag-atake, at sinabing si Padilla mismo ang gumamit ng linyang “monkeys of different colors.”
Binigyang-diin ni Tarriela na hindi niya kailanman tatanggapin ang anumang paglalarawan sa mga Pilipino bilang “unggoy” at nanindigang ang tunay na isyu ay ang pagkondena sa racist na video na nagmula sa China.
Kaugnay nito, nauna nang naghain na ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa China Daily dahil sa racist na paglalarawan sa mga Pilipino.
Iginiit ng DFA na dapat agad alisin ang naturang mga materyal at binigyang-diin na hindi ito katanggap-tanggap para sa pampublikong diskurso, kasabay sa pagpapanatili ng Pilipinas sa commitment nito sa diplomasya at paggalang sa isa’t isa.