Photo courtesy of DSWD Davao Region
Binisita ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex T. Gatchalian ang bayan ng Jose Abad Santos, Davao Occidental ngayong araw, Hulyo 19, 2026, upang tingnan ang sitwasyon ng mga apektadong residente bunsod ng flash flood na hatid ng Habagat at ng mga naranasang lindol.
Sa pahayag na inilabas ng DSWD Field Office 11, sinabi rito na unang tinungo ng Kalihim ang ground zero sa Sitio Lemon, Barangay Butulan, kung saan personal niyang ininspeksyon ang lawak ng pinsala at nakipag-ugnayan sa mga pamilyang apektado ng kalamidad.
Pagkatapos, bumisita si Gatchalian sa evacuation site sa Barangay Sugal upang alamin ang kalagayan ng mga evacuee at tiyakin kung natutugunan ang kanilang agarang pangangailangan. Kasabay nito, nagdala rin ang DSWD ng mga maternity kit para sa mga naitalang buntis na pansamantalang nananatili sa mga evacuation center.
Ayon sa DSWD Field Office 11, personal ding sinuri ng Kalihim ang mga naipamahaging ayuda ng DSWD sa mga apektadong barangay ng Nuing, Sugal, at Butulan upang matiyak na mabilis at maayos na naihahatid ang tulong sa mga pamilyang nangangailangan.
Idinagdag ng DSWD Field Office 11 na nakipagpulong si Gatchalian kay Jose Abad Santos Mayor Jason John Joyce, kasama ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), matapos ang site visit. Layunin ng pulong na talakayin ang kasalukuyang sitwasyon sa bayan at ang patuloy na koordinasyon para sa relief at early recovery efforts.