Nasabat ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) ang isang iligal na pagawaan ng pekeng pataba sa Barangay Sta. Monica, Rizal, Nueva Ecija.
Nakumpiska rito ang 500 sako ng iligal na pataba, 21 granulator machine, at ilang delivery truck na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱900,000.
Natunton ang pasilidad matapos maaresto ang umano’y ahente ng iligal na manufacturer, na nagbigay ng impormasyon tungkol sa lokasyon ng bodega.
Kinilala ang may-ari nito na si Daniel Delos Santos ng Don Fertilizer Manufacturing, na nabigong magpakita ng permit at lisensya.
Kinumpirma ng FPA na hindi rehistrado ang pasilidad.
Pinuri naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang operasyon laban sa mga pekeng agricultural input.
Nasa kustodiya na ng FPA ang mga nakumpiskang kagamitan, at inihahanda na ang pagsasampa ng kaso laban kay Delos Santos dahil sa paglabag sa Presidential Decree No. 1144.