Photo courtesy of DSWD FO-6
Nagsimula na nitong July 20 ang pagpapatupad ng expanded Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) sa Western Visayas.
Pinangunahan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 6 Regional Director Joselito Estember ang payout sa rehiyon.
Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., layunin ng programa na magbigay ng dagdag na tulong-pinansyal sa mga pamilyang mababa ang kita na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis. Tinatayang 7.5 milyong pamilya o 37.5 milyong Pilipino ang makikinabang.
Ang mga benepisyaryo ng 4Ps at Walang Gutom (Group 1) ay tatanggap ng isang beses na ₱2,000 na ayuda.
Samantala, ang mga mahihirap at near-poor na pamilya sa ilalim ng 2024 CBMS (Group 2) at mga low-income worker na na-validate ng SSS (Group 3) ay makakatanggap ng ₱2,000 kada buwan mula Hulyo hanggang Disyembre.
Sa Western Visayas, may 165,000 benepisyaryo sa Group 1 at 77,373 sa Group 2.
Nilinaw ni Estember na ang listahan ng Group 2 ay mula sa CBMS habang ang Group 3 ay ibabatay sa listahan ng SSS. | ulat ni Merianne Grace Ereñeta, Radyo Pilipinas Iloilo