Nanawagan ang ilang jeepney driver sa Quezon City na aprubahan na ang hiling na taas-pasahe kasunod ng panibagong big-time oil price hike.
Kasunod ito ng pagtaas muli ng presyo ng produktong petrolyo, kung saan sumipa na naman sa higit ₱80 ang kada litro ng diesel.
Umaaray ang ilang jeepney driver na bumibiyahe sa rutang Anonas, dahil marami umano sa kanila ang hirap nang magpakarga ng krudo dahil hindi sapat ang kinikita sa araw-araw.
Dahil dito, hiniling ng mga tsuper na mapabilis ang pagdedesisyon sa dagdag-pasahe para makatulong na madagdagan ang kanilang kita.
Ayon pa sa ilang tsuper, posibleng umabot sa ₱400 ang mabawas sa kanilang naiuuwing kita kada araw dahil sa muling pagtaas ng presyo ng diesel.
Una nang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na inirekomenda nito sa Department of Transportation (DOTr) ang ₱1 na dagdag-pasahe para sa mga pampasaherong jeepney.

