Nanawagan si Senator-Judge Erwin Tulfo sa kanyang mga kapwa senador na huwag gamitin ang oras ng Senate Impeachment Court para sagutin ang mga personal issue o ilahad ang kani-kanilang hinaing.
Sa ika-7 araw ng paglilitis laban kay Vice President Sara Duterte nitong Lunes, binigyang-diin ni Tulfo na ang impeachment court ay itinatag para dinggin lang ang mga reklamong may kaugnayan sa Bise Presidente at hindi para sa mga personal na usapin ng mga senator-judges.
Ayon kay Senator-Judge Erwin, kung nais ipaliwanag ng sinumang senador ang kanilang panig sa mga kontrobersiyang kinahaharap, maaari nila itong gawin sa pamamagitan ng press conference, social media, o iba pang angkop na forum, at hindi habang nasa pagdinig ng impeachment court.
Binigyang-diin din niya na ang paglalaan ng oras sa mga usaping walang kinalaman sa impeachment ay nagdudulot ng pagkaantala sa paglilitis at hindi makatarungan para kay VP Sara, na may karapatang marinig at mapagpasyahan ang kanyang kaso sa lalong madaling panahon.
Aniya, ang bawat minuto ng pagdinig ay dapat ilaan sa pagtalakay sa ebidensya at depensa ng Bise Presidente, at hindi sa pagtatanggol ng mga senador sa sarili nilang isyu o sa mga kasong kinahaharap nila.
Hiniling din niya sa Presiding Officer at sa Senate President na mahigpit na ipatupad ang mga umiiral na tuntunin upang maging maayos at nakatuon lamang sa kaso ang takbo ng paglilitis.
Inihayag ni Tulfo ang panawagang ito matapos magbigay ng manifestation si Senator-judge Robin Padilla kaugnay ng aniya’y maling impresyon na hindi niya sinunod ang summons ng Office of the Ombudsman tungkol sa Obstruction of Justice case na kinakaharap nito.
Kasunod nito, nagmosyon si Senator-Judge Vicente Sotto III na i-refer ang mga manifestation nina Senator-Judges Robin Padilla, Erwin Tulfo, at Alan Peter Cayetano sa Senado, bilang legislative body.
Nagdesisyon naman si Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero na panatilihin sa record ang manifestation ni Senator-Judge Robin Padilla.
Samantala, ini-refer naman ni Escudero sa Senate proper ang pagtalakay sa mga usaping walang kinalaman sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.