Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na patuloy na binibigyan ng kinakailangang tulong at suporta ang apat na Pilipinong kasalukuyang nagpapagaling sa iba’t ibang ospital sa Riyadh, Saudi Arabia.
Ito’y ayon sa DMW matapos masugatan sa pag-atake sa King Khalid International Airport noong Sabado, October 10.
Sa ulat ni Labor Attache Dominador Salangga ng Migrant Workers Office (MWO) sa Riyadh, tatlo ang kasalukuyang nasa ICU samantalang ang isa ay set for discharge from the hospital.
Patuloy pa ring mino-monitor ng mga team ng MWO at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Riyadh ang kanilang kalagayan at ng iba pang nasugatan upang magbigay ng karagdagang tulong at suporta.
Iginiit naman ni Salangga na walang nai-ulat na Pilipinong nasawi kaugnay ng insidente.
Tuloy-tuloy pa rin ang pakikipag-ugnayan ng Migrant Workers Office sa Riyadh sa mga lokal na awtoridad at mga ospital sa Riyadh upang alamin kung may iba pang Pilipinong naapektuhan ng pag-atake at matiyak na maibibigay ang kinakailangang tulong.
