Photo courtesy of DSWD Region XI
Nagsimula na ang pamamahagi ng UPLIFT Assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XI sa mga benepisyaryo ng Group 2 sa E-Park, Tagum City, Davao del Norte kung saan ang naturang programa ay nakalaan para sa mga mahihirap at near-poor na pamilyang natukoy sa pamamagitan ng 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) na hindi kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program.
Una nang sumailalim ang mga benepisyaryo sa orientation hinggil sa UPLIFT Program, kabilang ang layunin nitong makatulong sa mga pamilyang naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang epekto ng pandaigdigang krisis.
Isinagawa rin ang validation at digital account enrollment upang matiyak ang maayos at mabilis na pamamahagi ng mga susunod na ayuda.
Ang UPLIFT Assistance ay bahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng DSWD at ng whole-of-government response sa ilalim ng Executive Order No. 110 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na naglalayong mabawasan ang epekto ng pandaigdigang krisis sa enerhiya at maprotektahan ang kapakanan ng mga mahihirap at vulnerable na pamilya.