Sinimulan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngayong Hulyo 20 ang pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Program para sa 850 poor households sa Borongan City na hindi saklaw ng mga umiiral na pangunahing social protection programs ng pamahalaan.
Isinagawa ang unang payout sa Barangay A Covered Court para sa mga benepisyaryo sa ilalim ng Bucket 2 ng programa. Kabilang dito ang mga pamilyang natukoy bilang mahihirap batay sa Community-Based Monitoring System (CBMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA), ngunit hindi kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program.
Sa ilalim ng UPLIFT Program, bawat kwalipikadong benepisyaryo ay tatanggap ng ₱2,000 kada buwan mula Hulyo hanggang Disyembre, o sa loob ng anim na buwan. Para sa implementasyon ngayong Hulyo, naglaan ang DSWD ng ₱1.7 milyon para sa 850 benepisyaryo sa Borongan City.
Ayon sa DSWD, isinagawa ang unang payout sa pamamagitan ng manual cash distribution, habang ang mga susunod na payout ay ipamamahagi na sa pamamagitan ng digital payment system upang matiyak ang mas mabilis, mas ligtas, at mas episyenteng paghahatid ng tulong pinansyal.
Ang UPLIFT Program, na inilunsad sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ay naglalayong palawakin ang social protection ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang suporta sa mga mahihirap at vulnerable na pamilya na hindi pa naaabot ng iba pang umiiral na programa ng gobyerno.