Maagap na tutugon ang pamahalaan sa epekto ng El Niño sa Pilipinas.
Ito ang sinabi ni Communications Undersecretary Claire Castro, sa gitna ng mga paghahanda ng gobyerno, sa posibleng pinsala na iiwan ng tagtuyot sa bansa.
Aniya, pinag-uusapan na ang pagbibigay ng ayuda sa mga maapektuhang magsasaka lalo na sa mga talagang hindi makakapagtanim dahil sa kakulangan o kawalan ng water supply.
Ngayong linggo, magkakaroon aniya ng cloud seeding operation, upang madagdagan ang tubig sa Magat Dam na sumusuporta sa mga magsasaka para sa kanilang patubig.
Isasakatuparan ito ng Department of Agriculture (DA) kabalikat ang Philippine Air Force.
Ayon sa opisyal, kasabay ng panahon ng taniman, namimigay na ang DA ng mga binhi at pataba sa mga magsasaka.
Kung matatandaan, una nang pinayuhan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga magsasaka na magtanim ng high value commercial crop gaya ng pakwan, luya, ube, mani, at talong, sa halip na palay na nangangailangan ng mas maraming tubig.