Katuwang ang International Maritime Organization (IMO), nagsagawa ang Maritime Industry Authority ng mga pagsasanay sa mga kinauukulang ahensya lalo na ang port authority kaugnay sa Port Waste Management Plan (PWMP).
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay MARINA Director Emannuel B. Carpio ng Marine Environment Protection Development Service, ibinahagi nito na ang layunin ng nasabing workshop ay upang palakasin ang kakayahan at tamang kaalaman ng mga ahensya sa pagtanggap at pagtapon ng mga basura mula sa mga barko.
Ayon kay Director Carpio, ito’y upang maiwasan ang polusyon sa karagatan at matiyak ang pagsunod sa international regulation.
Aniya, napapanahon ang pagpapatupad na PWMP dahil sa ang plastic pollution ay hamon sa buong mundo.
Ayon pa sa opisyal, bagama’t malaking bahagi ng marine litters ay nanggagaling sa land-based, mainam pa rin aniya na matugunan ang mga basurang nanggagaling sa mga barko na mas mahirap ng linisin kapag nakarating na sa marine environment.