Pormal nang ipinagkaloob ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang Certificates of Entitlement sa 100 pamilya sa Barangay Ibabang Iyam, Lucena City na mahigit 20 taon nang naghihintay sa karapatan sa lupang tinitirhan.
Personal na iniabot ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasama si DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling ang mga COE sa mga benepisyaryong saklaw ng Presidential Proclamation No. 436.
Ayon kay Aliling, bahagi ito ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino o Expanded 4PH Program para palakasin ang seguridad sa paninirahan ng mga benepisyaryo.
Dagdag ang 100 pamilya sa 185 na naunang nabigyan ng lot entitlements sa ilalim ng parehong proklamasyon.
Sa kabuuan, 684 pamilya na sa bansa ang nakatanggap ng Certificates of Entitlement o Certificates of Lot Award sa ilalim ng Expanded 4PH Program.
Tiniyak ng DHSUD ang pagpapatuloy ng mga programa para mas maraming Pilipino ang magkaroon ng ligtas at abot-kayang pabahay.