Kinondena ng Armed Forces of the Philippines ( AFP) ang insidente nang paghampas ng isang tauhan ng China Coast Guard (CCG) sa ulo ng isang miyembro ng Philippine Navy gamit ang isang baton na gawa sa kahoy sa gitna ng isang komprontasyon sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS).
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay AFP Spokesperson for the WPS, Philippine Navy Rear Admiral Roy Vincent Trinidad (Ret.), idinetalye nito na nangyari ang insidente nang lumapit ang isang Rigid Hull Inflatable Boat (RHIB) ng CCG mula sa kanilang barko patungo sa nakapuwestong barko ng Philippine Navy na BRP Sierra Madre.
Ayon kay Trinidad, habang papalapit na sa BRP Sierra Madre ang RHIB ng CCG, nag-deploy na rin ang Philippine Navy ng dalawang rubber boat upang harangin at itaboy ito.
Ngunit tumugon aniya ang CCG sa pamamagitan ng karahasan na nagresulta sa pagkasugat ng Navy personnel at pagkasira ng kanilang rubber boat.
Ayon pa sa opisyal, inuudyukan ng CCG ang tropa ng Pilipinas gamit ang paglapit na siya namang kanilang inilalakip sa kanilang mga naratibo at mga kinukuhanang larawan.
Binigyang-diin naman ng opisyal na ang nasabing aksyon ng CCG ay bahagi ng isang iligal, puwersahan, agresibo, at mapanlinlang na mga kilos.