Photo courtesy of DSWD Region VIII
Sinimulan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office VIII ngayong Lunes, July 20, 2026 ang sabayang pamamahagi ng Unified Package for Livelihood, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance sa buong Eastern Visayas.
Sa unang araw ng payout, kabuuang 17,219 na benepisyaryo sa rehiyon ang makatatanggap ng tig-₱2,000 buwanang ayuda sa loob ng anim na buwan. Umabot sa ₱34.438 milyon ang inilaan ng pamahalaan para sa kasalukuyang payout.
Ang UPLIFT Assistance ay ipinatutupad sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang bahagi ng mga hakbang ng pamahalaan upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga Pilipino at makatulong sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa.
Kabilang sa mga makikinabang sa programa ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program, gayundin ang mga mahihirap at near-poor na pamilya na hindi kabilang sa dalawang programang ito. Kasama rin sa mga tatanggap ng ayuda ang mga low-wage earners na walang natatanggap na regular na tulong mula sa pamahalaan.
Ayon sa DSWD, ipapadala ang ayuda ng mga benepisyaryo ng 4Ps sa pamamagitan ng kanilang GCash o LANDBANK accounts simula Hulyo 21, 2026.
Samantala, isasagawa ang manual payout para sa mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program, mga mahihirap at near-poor na kabilang sa 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA), at mga manggagawang may SSS Monthly Salary Credit na katumbas ng ₱20,000 pababa na kabilang din sa 2024 CBMS.
Magpapatuloy ang pamamahagi ng UPLIFT Assistance sa mga susunod na buwan bilang bahagi ng anim na buwang implementasyon ng programa.