Nanindigan ang Mindanao Development Authority o MinDA sa patuloy na pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan upang mapalakas ang kampanya laban sa human trafficking o modernong pang-aalipin.
Ito ang binigyang-diin ni MinDA Secretary Leo Magno sa Solidarity Night na nagsilbing pagtatapos ng tatlong araw na National Summit kontra human trafficking.
Ayon kay Magno, ang human trafficking ay isang malalim na anyo ng kawalang-katarungan dahil ginagawa nitong kalakal ang buhay ng tao kapalit ng tubo.
Inihalintulad ni Magno sa isang matatag na tatsulok ang pagkakaisa ng mga law enforcer at prosecutor, social worker at advocate, at mga komunidad at ahensya ng pamahalaan.
Aniya, kapag nagsama-sama ang mga ito, nabubuo ang isang matibay na panangga laban sa pagsasamantala. Binigyang-diin din ng kalihim na kailangang magkasabay ang economic progress at human security upang matiyak na walang Mindanawon ang maiiwang bulnerable sa human trafficking.
Kinilala rin niya ang Regional Prosecution Service sa Region XI, sa pangunguna ni Regional Prosecutor Janet Grace Dalisay-Fabrero, bilang mahalagang katuwang sa pagsusulong ng katarungan.
Hinimok ni Magno ang IACAT at iba pang partners na ipagpatuloy ang convergence at koordinasyon upang maprotektahan ang mga pinaka-bulnerableng sektor. Aniya, ang tunay na sukatan ng pag-unlad ay hindi lamang paglago ng ekonomiya at imprastraktura, kundi ang kaligtasan, seguridad at dignidad ng bawat mamamayan.