Muling nagpahayag ng suporta ang Department of Foreign Affairs o DFA sa Pax Silica Project sa bansa.
Sa ginanap na CSIS Manila Strategy Forum 2026 sa Parañaque City, binigyang-diin ni DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro na ang proyektong ito ay isa sa mga pangunahing instrumento ng Pilipinas upang patatagin ang economic security.
Ayon kay Lazaro, sa pamamagitan ng Pax Silica Project, makatutulong ito na umangat ang bansa sa global technology value chain.
Tataas din ang kalidad ng trabaho sa Pilipinas dahil bukod sa pagiging exporter ng raw materials, makikilala rin ang Pilipinas sa advanced semiconductor packaging, mineral processing, Artificial Intelligence, at iba pa.
Dati nang sinabi ni Foreign Affairs Secretary Lazaro na may pito nang bansa ang nagpapakita ng interes na mag-invest sa Pilipinas sa pamamagitan ng Pax Silica at inaasahang mas darami pa ito. Nakikita ng kalihim na makakabuo ito ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.