Palalakasin pa ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC, kasama ang Department of Information and Communications Technology o DICT, ang kooperasyon nito sa mga bansang kasapi ng ASEAN sa pagtugon sa online child safety at cybercrime.
Binigyang-diin ito ni CICC Executive Director Usec. Aboy Paraiso sa isinagawang town hall meeting kung saan tinalakay ng iba’t ibang stakeholders ang mga hakbang laban sa child grooming, online violence, at iba pang mapanganib na aktibidad sa social media at gaming platforms.
Ayon kay Paraiso, mahalaga ang regional cooperation lalo na at maaaring nasa labas ng bansa ang mga grupong sangkot sa online child exploitation.
“Discussing as it may be, it’s a criminal syndicate that has a lot of resources, that has a lot of money, and it’s located everywhere. And they are exploiting this jurisdictional challenge that whoever victimizes Filipino citizens, I can almost guarantee you they’re located outside the country.”
Itinutulak din ng CICC ang mas malinaw na platform accountability at pagkakaroon ng pisikal na tanggapan sa Pilipinas ng mga malalaking technology companies para mas mapalakas ang kakayahan ng pamahalaan na ipatupad ang mga batas laban sa cybercrime.
Inaasahan naman ang pagbuo ng isang technical working group matapos ang mga susunod na pagpupulong sa iba pang stakeholders, kabilang ang Meta at Roblox.