Binigyang-diin ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na ang magiging desisyon ng Senado sa voting threshold para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay dapat magsilbing pangmatagalang pamantayan ng pananagutan para sa mga susunod pang impeachment proceedings, at hindi lamang simpleng pagpapasya sa kasalukuyang kaso.
Ayon kay Adiong, ang proseso ay hindi lamang tungkol sa kasalukuyang trial kundi para maglatag ng malinaw na batayan kung paano pipiliin at pananagutin ang mga opisyal ng pamahalaan.
Aniya, bagamat nakasaad sa 1987 Constitution na kailangan ang dalawang-katlo (two-thirds) na boto ng lahat ng miyembro ng Senado para sa hatol na pagkakasala, lumitaw ang mga katanungan kung paano ito isasalin sa aktwal na bilang sakaling may mga senador na hindi makilahok sa buong paglilitis.
Samantala, iginiit ng kongresista na hindi nakatutok ang prosekusyon sa pagbibilang ng boto kundi sa paglalahad ng mga ebidensya na maaaring suriin nang malaya ng mga senator-judges.