Bukod sa kakulangan sa suplay ng kuryente sa Visayas at Mindanao ay binabantayan at inaaksiyunan na rin ng pamahalaan ang naitalang napakataas na presyo ng kuryente.
Sa panayam ng Salaam Radio kay Energy Regulatory Commission (ERC) Director Sharon Montañer, inilahad nito na ang presyo ng kuryente o load weighted average nitong Agosto sa Visayas ay pumalo na sa ₱18.59 per kilowatthour habang sumirit naman sa ₱19.65 per kilowatthour ang presyo ng kuryente sa Mindanao na parehong napakalayo sa presyo ng kuryente sa Luzon na ₱4.8 per kilowatthour.
Pangunahing dahilan pa rin dito ang kakulangan ng suplay ng kuryente na siyang lalong tumutulak sa presyo ng kuryente pataas bunsod na rin ng pagsipa ng demand.
Ang nakikitang solusyon dito ng ERC at ngayo’y ipinatupad na nila ay ang pag-activate ng secondary price cap sa kuryente na ang magiging basis na ng computation ay per region at hindi na ang buong sistema.
Kung ibabase umano kasi sa buong sistema ay mahihila lang ng mababang presyo ng Luzon ang activation ng secondary price cap dahilan para hindi ito gumana.
Sa ilalim ng secondary price cap ay maglalaro na lang ang presyo ng kuryente sa ₱7 hanngang ₱8 per kilowatthour para sa Visayas at Mindanao na may pagsirit ng presyo sa kuryente.