File | PCO Photo
Inaasahan na isang mahalagang pagkakataon para sa Pilipinas ang pagdalo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa BRICS Summit sa New Delhi, India upang mas mapalawak ang ugnayan at oportunidad ng bansa sa mga miyembro ng bloc at makahikayat ng mga bagong pamumuhunan na magpapaunlad ng ekonomiya Pilipinas.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Philippine Institute for Development Studies (PIDS) Supervising Research Specialist Dan Kenard Abriol, sinabi nito na bukod sa pagiging pangulo ng bansa, mataas din ang posisyon ng Pilipinas para sa diplomatikong impluwensya mula sa pagiging chair ng bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ngayong taon.
Dahil dito, madadagdagan ang istratihikong kakayahan ng bansa para sa regional integration at mas malawak na ugnayan sa mga malalaking bansa katulad ng mga miyembro ng BRICS.
Gayunman, sinabi rin ni Abriol na ayon sa kanilang pag-aaral, mahalaga na maka-adopt ang bansa sa globalization framework para sa sistemang pangkalakalan upang makahikayat ang bansa ng mga direktang pamumuhunan na makapagbibigay ng maraming trabaho sa mga Pilipino.
Ayon pa kay Abriol, mahalaga na maging maayos ang sistema ng gobyerno at pamamahala upang makuha ang tiwala ng mga mamumuhunan at mga mamamayan para sa mas matatag na institusyon.