Makatutulong para sa buong bansa kung palagi nang i-aayon ng pamahalaan ang mga ipatatayo nitong proyekto base sa mga datos mula sa mga science-based studies.
Ito ang naging pahayag ni University of the Philippines Resilience Institute Project NOAH Executive Director, Dr. Mahar Lagmay para mas mapatibay ang mga proyekto ng pamahalaan.
Pinakamalaking patunay rito ang mga flood control projects na ngayon ay isinasangguni na sa Project NOAH upang mailagay ito sa mas angkop na mga lugar.
Ganito rin umano ang dapat gawin sa iba pang proyekto ng pamahalaan upang maging mas pangmatagalan at climate-resilient ang gamit sa mga ito at mas maraming benepisyo ang makuha mula rito.
Ani Lagmay, mas natutukoy kasi ng siyensiya ang mga variables sa posibleng mangyari sa hinaharap base sa mga ipinapakitang senyales at scientific evidence ng kapaligiran.
Hindi lang umano kasi nadadala sa hula-hula o tantiya-tantiya ang siyensiya dahil ito ay parehong systematic at methodical.