Isinusulong ni 4Ps Party-list Representative JC Abalos ang panukalang batas na layong magbigay ng buwanang ayuda at dagdag na social protection sa mga kasambahay na may mga anak na menor de edad na naiiwan sa kanilang pangangalaga.
Sa ilalim ng House Bill No. 11117 o “Kasambahay Parents Support Act,” makatatanggap ang kwalipikadong mga anak ng kasambahay ng hindi bababa sa ₱1,000 kada buwan, hanggang tatlong anak bawat benepisyaryo.
Saklaw nito ang mga batang nasa daycare, elementarya, junior high school, at senior high school, basta’t nakapagtatala ng hindi bababa sa 85 porsiyentong attendance at may beripikadong caregiving arrangement.
Para naman sa mga lokal na kasambahay, maaari nilang piliing tanggapin ang cash aid o awtomatikong ilaan ang buong halaga bilang karagdagang kontribusyon sa Social Security System (SSS).
Ayon kay Abalos, mahalaga ang naturang suporta dahil tinatayang halos isa’t kalahating milyon ang kasambahay sa bansa at 83% sa kanila ay walang social security coverage.
Hindi naman saklaw ng panukala ang mga benepisyaryo ng 4Ps at sasailalim sa cross-check ang mga listahan upang maiwasan ang dobleng benepisyo.