Muling binirada ni Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. ang mga naging pahayag ng Foreign Ministry ng China sa mga naging pahayag umano ni Teodoro sa Seoul Defense Dialogue na puro “provocations” at “theatrics”.
Ani Teodoro, hindi umano siya aktor kaya hindi niya alam ang anomang uri ng theatrics dahil ang tanging lumalabas lang sa kanyang bibig ay pawang katotohanan at mga pahayag na sumusuporta sa pag-iral ng international law at rules-based order.
Patutsada pa ni Teodoro na tila ba mas maituturing na isang theatrical conduct o isang dula sa teatro ang naging pahayag ni Chinese Foreign Minister Wang Yi kung saan sinabi nito na hindi nila imi-militarize ang Mischief Reef at para lamang ito sa akto ng kapayapaan.
Pagtitiyak ng kalihim na makaasa ang bansa na hindi matitinag ang pamahalaan sa paggiit ng karapatan nito anoman ang maging paninira ng China.