Kinumpirma ni Coron Municipal Health Officer (MHO) Dr. Alan Guintapan ngayong 3:50 ng hapon, Biyernes, Setyembre 11, 2026 na buhay ang kapitan ng MV June Aster na nasunog sa karagatang sakop ng Coron, Palawan.
Tiyak aniya ito ngunit gayunpaman, binanggit ng opisyal na hindi pa nagpapakita sa kanila ang nasabing kapitan.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas Palawan kay Coron MHO Dr. Guintapan, sa panibagong pagtiyak sa kaniyang kalagayan, bumaba na sa 83 mula sa dating 84 ang opisyal na bilang ng mga indibidwal na kinokonsiderang nawawala o missing.
Ayon pa kay Dr. Guintapan, kasalukuyan nang inihahanda ang lahat ng kinakailangang pamamaraan upang makapasok ang Incident Management Team (IMT) sa loob ng barko.
Sa ngayon, wala pa ring maibigay na tantyang bilang ang mga awtoridad sa posibleng nasawi o na-trap sa loob ng nasunog na sasakyang-pandagat. | ulat ni Gillian Faye Ibañez | RP Palawan
📷 PCG