Photo courtesy of Department of Public Works and Highways (DPWH)
Binigyang-diin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang kahalagahan ng mga walkable street at pathways saan mang sulok ng bansa.
Ito ang naging pahayag ng kalihim kasunod ng pag-arangkada ng redevelopment ng MT Villanueva Avenue sa Barangay Liboton, sa Naga City.
Aniya, hindi lamang basta nakatuon sa Metro Manila ang mga ligtas na daanan para sa commuters dahil dapat din itong maramdaman sa iba pang bahagi ng bansa.
Hindi umano titigil ang DPWH sa pagkakasa ng mga proyekto tulad ng ginawa sa EDSA kung saan binibigyang halaga ang paggamit ng pathways, lalo na’t isa ang paglalakad sa alternatibong paraan upang salagin ang mataas na presyo ng petrolyo.
Bukod dito ay naisusulong din nito ang healthy walking sa ating mga kababayan na totoong ligtas at malayo sa kapahamakan.
Tiniyak din ng DPWH, na ang mga gagawing redeveloped walkways at pathways katabi ng major roads ay magiging PWD-friendly.