Naghahanda na ang pamahalaang panlalawigan ng Eastern Samar para sa inaasahang mas tuyong mga buwan bunsod ng posibleng pag-igting ng El Niño phenomenon.
Inilahad ni PAGASA Weather Station Borongan Chief Ricardo Galupe ang pinakabagong weather at climate outlook sa isinagawang 3rd Quarter Meeting ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council o PDRRMC. Ayon kay Galupe, nakararanas na ang Eastern Samar ng dry spell mula Hunyo hanggang Setyembre, habang inaasahang mararanasan ang drought conditions mula Oktubre hanggang Marso.
Dahil dito, isinusulong ng PDRRMC ang maaga at koordinadong paghahanda upang mabawasan ang posibleng epekto ng mababang pag-ulan sa suplay ng tubig, agrikultura, kabuhayan at iba pang pangunahing serbisyo.
Sinabi ni Vice Governor Maricar Sison-Goteesan, na nanguna sa pulong bilang kinatawan ni Governor Ralph Vincent Evardone, na mahalaga ang paghahanda bago pa man maramdaman ang epekto ng El Niño.
Samantala, sinabi ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Engr. Thomas Campomanes na nagsasagawa na ang PDRRMO ng pangangalap ng datos mula sa iba’t-ibang ahensya at tanggapan ng pamahalaang panlalawigan upang matukoy ang mga sektor at lugar na maaaring higit na maapektuhan.
Inaasahan namang magpapatuloy ang El Niño hanggang sa pagtatapos ng 2026 at maaari pa itong lumakas, ayon sa climate outlook. Posible ring makaranas ng mas mataas na temperatura at mas tuyong kondisyon na maaaring magdulot ng heat-related illnesses, kakulangan sa tubig at pagkalugi sa agrikultura.
Gayunman, nilinaw ni Provincial Science and Technology Director Dr. Arnaldo Amosco Jr. na ang pagkakaroon ng drought classification ay hindi nangangahulugang tuluyang mawawala ang ulan.
Ayon sa PAGASA classification, maaaring ideklarang drought ang isang lugar kapag ang pag-ulan ay nananatiling below normal sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan. Dahil karaniwang itinuturing na very wet province ang Eastern Samar, maaari pa ring magkaroon ng ulan ngunit mas mababa kaysa sa karaniwang dami.

Samantala, nagbabala rin ang Bureau of Fire Protection-Eastern Samar sa tumataas na panganib ng grass, forest at wildland fires dahil sa tuyong kondisyon.
Iniulat ni Provincial Fire Marshal Fire Chief Inspector Jimmy Pasague na umabot sa 26 ang fire incidents sa lalawigan mula Enero 1 hanggang Setyembre 28, 2026, kumpara sa 16 sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Umakyat din sa ₱14.73 milyon ang naitalang pinsala mula sa ₱5.09 milyon noong 2025.
Patuloy ang koordinasyon ng BFP sa mga LGU at barangay para sa fire prevention, kabilang ang pagbabawal sa indiscriminate burning, kaingin at iba pang open-burning practices.
Hinihikayat naman ang mga nasa sektor ng agrikultura na ayusin ang planting calendar, pumili ng angkop na pananim, ihanda ang farm infrastructure at isaalang-alang ang crop insurance bilang proteksyon laban sa posibleng pagkalugi.
Kasabay nito, pinaalalahanan ang mga Estehanon na magtipid sa tubig, iwasan ang mga gawaing maaaring magdulot ng sunog, pangalagaan ang mga pananim at kabuhayan, at sumubaybay sa mga opisyal na weather at climate advisories ng DOST-PAGASA.
Binigyang-diin ng PDRRMC na magiging mahalaga ang maagang paghahanda, paggamit ng datos sa pagpaplano at tuloy-tuloy na koordinasyon ng mga ahensya, LGU at komunidad upang mabawasan ang posibleng epekto ng El Niño sa Eastern Samar.