Photo courtesy of CIDG
Arestado ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang babaeng umano’y illegal recruiter at human trafficker na may 10 warrants of arrest.
Ito ay matapos na maaresto sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Barangay Malabanias, Angeles City, Pampanga noong Setyembre 29.
Sa ulat na nakarating kay CIDG Director PMGEN Robert Morico II, isang 36-taong-gulang na negosyante ang suspek na kabilang sa Regional Most Wanted Person ng Police Regional Office 4A.
Nahaharap siya sa mga kasong Illegal Recruitment, Qualified Trafficking in Persons, Estafa, at paglabag sa Securities Regulation Code. Inilabas ang mga warrant ng mga korte sa Mandaluyong City, Calamba City, Bacoor City, Pasay City at Parañaque City.
Wala naman inirekomendang piyansa para sa mga kasong Illegal Recruitment at Qualified Trafficking.
Batay sa imbestigasyon, nag-recruit umano ang suspek at ang kanyang mga kasamahan noong 2024 sa Calamba City ng mga indibidwal para magtrabaho bilang massage therapist na nagbibigay ng home-service massage na umano’y mayroong “extra services.”
Tiniyak naman ng CIDG na patuloy nitong tutugisin ang lahat ng kriminal at wanted person sa buong bansa.