Naglaan ang Budget Amendments Review Subcommittee o BARSc ng karagdagang ₱5.113 bilyon para sa Department of Labor and Employment o DOLE bilang bahagi ng mga amyenda sa 2027 national budget.
Bahagi nito ang ₱5 bilyong dagdag sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers o TUPAD at ₱113 milyon na dagdag sa DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program o DILEEP.
Mahalaga anila ang dagdag-puhunan sa DOLE dahil ginagamit ang TUPAD bilang emergency employment para sa mga manggagawang nawalan o naapektuhan ng trabaho, kabilang ang panahon ng mga krisis at kalamidad, habang ang DILEEP ay nakatuon sa livelihood assistance.
Samantala, may dagdag pondo rin para sa Department of Migrant Workers o DMW at attached agencies nito.
Kabilang dito ang ₱150 milyon dagdag sa DMW AKSYON Fund, na ginagamit para sa financial at legal assistance, repatriation, shelter at iba pang tulong sa mga OFW at kanilang pamilya.
May ₱100 milyon din na dagdag sa Emergency Repatriation Fund ng OWWA, matapos bumaba ang 2027 NEP allocation nito sa ₱997 milyon mula sa mahigit ₱1.2 bilyon noong 2026.
Kasama rin dito ang ₱433 milyon para sa Alagang OWWA at ₱60 milyon para sa Congressional Migrant Workers Scholarship Program.
Layon ng dagdag pondo na mapalakas ang agarang ayuda, legal assistance at pagpapauwi sa mga OFW na nangangailangan ng tulong, lalo na sa panahon ng krisis sa ibang bansa.