Pinaigting ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kampanya nito sa pagpapalawak ng kaalaman ng mamimili tungkol sa mga karapatan at kahalagahan ng ligtas at de-kalidad na mga produkto, alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Kaugnay nito, inaanyayahan ng DTI ang publiko na makilahok sa Consumer Welfare Month 2026 ngayong Oktubre na may temang ‘Safe Products, Confident Consumers,’” ani Castro.
Ayon kay Communications Office Undersecretary Claire Castro seryoso ang Marcos Administration sa pagtaguyod ng kaligtasan, kalidad, at tamang pagpili ng mga produkto upang maging mas responsable at kumpiyansa ang mga mamimili sa ilalim ng Bagong Pilipinas.
Kabilang sa mga aktibidad ng DTI para sa nasabing kampanya ang Consumer Fun Run sa Marikina Complex, gayunrin ang Konsyumer Assembly sa Barangay sa Metro Manila, kung saan tatalakayin ang mga karapatan at responsibilidad ng mga mamimili.
Kabilang din dito ang Certified Products Expo sa SM Megamall mula October 13 hanggang 15.
Kasama rin sa mga aktibidad ang National Standards Week, Bagwis Awards and Seal of Legitimacy, at Consumer Advocacy Making Challenge.
Ayon kay Castro, magsasagawa rin ang mga regional at provincial office ng DTI ng mga seminar, community activities, programa para sa kabataan, at mas mahigpit na pagbabantay sa mga produkto sa mga pamilihan.
Hinikayat din ng Palasyo ang publiko na bisitahin ang opisyal na website ng DTI at ang DTI Consumer Care Facebook page para sa iba pang impormasyon.