Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) laban sa mga pekeng alok na trabaho online matapos mabiktima ng scam hub sa Cambodia ang isang 29-na taong gulang na Pilipina.
Ayon sa BI, nagkunwaring bibisita lamang sa kanyang ina ang biktima nang umalis ng bansa noong Agosto 2025. Kalaunan, lumabas na na-recruit siya sa Facebook at Telegram bilang customer service representative na may isang libong dolyar na buwanang sahod, ngunit pinilit siyang magtrabaho bilang online scammer.
Sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na inilalagay sa panganib ng illegal recruitment, human trafficking at pagsasamantala ang mga biyaherong nagsisinungaling sa tunay na pakay ng kanilang pag-alis.
Tatlo pang Pilipina ang pinauwi mula Myanmar matapos mabiktima ng kahalintulad na recruitment scheme. Hinimok ng BI ang publiko na beripikahin sa Department of Migrant Workers at iba pang awtorisadong ahensya ang mga alok na trabaho sa ibang bansa.