Magbibigay ang Department of Transportation ng P20,000 buwanang ayuda sa mga transport cooperative at corporation na nahihirapang magbayad ng amortization ng kanilang modern PUVs.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, layunin nitong matulungan ang mga operator na maipagpatuloy ang kanilang operasyon at maiwasang mabawi ng mga financial institution ang kanilang mga unit.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gamitin ang resources ng gobyerno para suportahan ang mga transport service entity na kalahok sa Public Transport Modernization Program (PTMP).
Sakop ng ayuda ang bawat modern PUV na nabili mula nang magsimula ang programa hanggang sa bisa ng kautusan.
Magsisimula ang buwanang financial assistance ngayong Setyembre at tatagal nang tatlong buwan, o hanggang maubos ang pondong inilaan para rito.
Maaari rin itong gamitin sa operational expenses ng mga kooperatiba o korporasyong fully paid na ang kanilang modernized units.