Tiniyak ng Philippine National Police ang patuloy na koordinasyon nito sa Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front para matiyak ang mapayapa at maayos na halalan sa BARMM bukas.
Kabilang sa binabantayan ng PNP ang posibleng aktibidad ng mga private armed group sa rehiyon.
Ayon kay PNP Spokesperson Col. Allen Rae Co, may mga mekanismo sa ilalim ng peace process para maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa paggalaw ng mga tao at armadong personnel.
Sa ngayon, wala umanong nakikitang illegal na aktibidad o kilos mula sa MILF at MNLF.
Patuloy naman ang pagkuha at pag-validate ng impormasyon tungkol sa mga private armed group.
Sinabi ng PNP na intelligence-driven ang kanilang operasyon at kailangang makumpirma muna ang mga impormasyon bago magsagawa ng legal na aksyon.
Patuloy din ang koordinasyon ng PNP sa AFP at iba pang security forces para mapigilan ang anumang armadong grupong maaaring magbanta sa halalan.