Photo courtesy of Department of Labor and Employment
Magkakaroon ng dagdag na P60 sa arawang sahod ng mga minimum wage earner sa National Capital Region o NCR simula Setyembre 26, matapos ilathala ng Department of Labor and Employment o DOLE ang Wage Order No. NCR-28.
Sa ilalim ng bagong wage order, tataas mula P695 tungo sa P755 ang minimum na arawang sahod ng mga manggagawa sa non-agricultural sector. Makatatanggap din ng kaparehong P60 dagdag-sahod ang mga manggagawa sa agricultural sector.
Ayon sa DOLE, layunin ng umento na mapalakas ang purchasing power ng mga manggagawa at maisulong ang mas inklusibong paglago ng ekonomiya, alinsunod sa pangako ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Inaprubahan ang nasabing wage order ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng NCR (RTWPB-NCR) matapos ang itinakdang tripartite wage-setting process.
Pinaalalahanan ng DOLE ang mga employer na ipatupad ang bagong minimum wage sa oras na maging epektibo ito sa Setyembre 26, habang tiniyak ng ahensya na mahigpit nitong babantayan ang pagsunod sa bagong kautusan.