NBI, ipapasubpoena ang ilang dating opisyal ng 2019 SEA Games Organizing Committee
Ipatatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga dating opisyal ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) bilang bahagi ng imbestigasyon sa mga sinasabing iregularidad kaugnay ng 2019 Southeast Asian Games.
Kabilang sa ipapasubpoena sina Ramon Suzara, Dexter Estacio, John Lester Bensueceso, at iba pang direktor ng PHISGOC upang magpaliwanag sa mga transaksyong sinusuri ng NBI.
Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, sisiguraduhin nilang patas at wasto ang kanilang isasagawang imbestigasyon, at kung may pananagutan, pananagutin ang sinumang mapatutunayang may sala.