Photo courtesy of Department of Social Welfare and Development (DSWD)
Muling nagtungo si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa Jose Abad Santos, Davao Occidental upang alamin ang kalagayan ng mga biktima ng lindol at Bagyong Inday.
Sinuri ng DSWD team ang mga nasirang imprastraktura at binisita ang mga evacuation center upang matukoy ang pangangailangan ng mga apektadong pamilya.
Nakipagpulong din si Gatchalian sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan para sa pagpapatuloy ng relief operations.
Ayon sa DSWD, mahalaga ang pagbisita sa lugar upang matiyak na agad na makararating ang tulong sa mga nangangailangan.
Umabot na sa mahigit ₱212 milyon ang humanitarian aid na naipamahagi sa mga biktima ng lindol sa Davao Occidental, kabilang ang mahigit ₱134 milyon para sa Jose Abad Santos.
Naglaan din ang ahensya ng mahigit ₱2.9 milyon na ayuda para sa mga naapektuhan ng Bagyong Inday at nakahanda ang mahigit 4.6 milyong family food packs para sa mga susunod na pangangailangan.