Iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paghi-higpit sa implementasyon ng immigration laws sa Siargao.
Ito ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na maitaguyod ang responsableng turismo, at masiguro ang kaligtasan ng publiko sa mga kilalang island destination sa Pilipinas.
Ang Bureau of Immigration (BI) aniya, muling pinasigla ang pakikipag-ugnayan at pakikipag tulungan sa mga lokal na pamahalaan sa Siargao, sa Land Transportation Office (LTO), mga pulis, at mga kinatawan sa sektor ng turismo.
Ang BI aniya, sinimulan na ang pagsasagawa ng capacity building seminars, para sa mga lokal na opisyal at iba pang frontline personnel, upang palakasin ang kanilang kaalaman sa immigration laws, tamang case referrals, at inter agency coordination.
“Iminungkahi naman ng LTO ang mas mahigpit na pakikipag-ugnayan sa Bureau of Immigration upang matugunan ang mga paglabag sa batas trapiko ng ilang dayuhang motorista, kabilang ang pagmamaneho ng walang lisensya, reckless driving, at pagmamaneho ng lasing.” —Castro
Ayon kay Castro, mahalagang mapangalagaan ang kapakanan at seguridad ng publiko kabilang na ang sa mga turista, upang ma-enjoy ng mga ito ang pananatili sa Pilipinas.
“Sa administrasyon ni Pangulong Marcos Jr., isinusulong ng pamahalaan hindi lang ang kapakanan at seguridad ng taumbayan kundi kasama ang mga dayuhang turista na tumatangkilik sa ganda ng Pilipinas.” —Castro