Binigyang-diin ng kampo ng prosekusyon na hindi isang “fishing expedition” ang kanilang hiling na i-subpoena ang bank at tax records ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Inihalintulad ito ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon sa “paghahanap ng balyena”, dahil bilyun-bilyong pisong halaga ng mga transaksiyon sa bangko ang nasasangkot sa usapin.
Ayon kay Ridon, na siya ring chairperson ng House Committee on Public Accounts, umaabot sa ₱6.7 bilyon ang kabuuang transaksiyong pinansiyal ng mag-asawa, kabilang ang tinatayang ₱4.4 bilyon na pumasok o inflow sa kanilang mga bank account sa loob ng 20 taon.
Ipinaliwanag ni Ridon na napakalaki ng halagang sangkot upang basta na lamang ituring na haka-haka o espekulasyon ang kanilang paghahanap ng ebidensiya.
Una nang iginiit ng kampo ni Duterte na ang naturang hiling ay isang “fishing expedition” at hindi dapat isama sa kaso ang mga rekord na naitala bago pa siya naging Bise Presidente.
Gayunpaman, sinalungat ito ni Ridon. Aniya, mahalagang maitatag ng impeachment court ang financial baseline, o panimulang batayan ng yaman, ni Duterte mula pa noong magsilbi siyang bise alkalde at alkalde ng Davao City upang matukoy kung mayroon nga bang unexplained wealth.