Handa ang Malacañang na suportahan ang imbestigasyon laban sa sinomang opisyal ng gobyerno na masasangkot sa katiwalian.
Ito ayon kay Communications Usec. Claire Castro ay hanggat mayroong lehitimong ebidensya laban sa mga ito.
Pahayag ito ng opisyal, makaraang tanungin kung susuportahan ng Palasyo ang posibleng imbestigasyon sa alegasyon ni Senador Panfilo Lacson na mayroong bilyon-bilyong pisong infrastructure projects na ipinasok umano ni Senador Alan Peter Cayetano sa 2025 national budget.
Ayon kay Castro, malinaw ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., papanagutin ang lahat ng mapapatunayang nagkasala sa taombayan, kaibigan man, kamag-anak, kaalyado o hindi.
Aniya, dapat naka-base sa lehitimong ebidensya ang anomang reklamo at hindi sa mga gawa-gawang kwento o intriga.
Kung mayroon aniyang sapat na ebidensya, dapat itong ilahad at sampahan ng kaukulang kaso ang mga mapatutunayang sangkot.
“Kung ano po ang ebidensiya na mailalatag, kahit sino pa po ‘yan kamag-anak, kaibigan, kaalyado, kahit anong kulay ‘yan ang gusto ng Pangulo mapanagot ang dapat na mapanagot pero ebidensiyang mayroon po talagang lehitimong ebidensiya, hindi gawa-gawang mga kuwento, hindi gawa-gawang mga ebidensiya, hindi gawa-gawang intriga, hindi nagpaplanta ng ebidensiya.
Dapat totoong ebidensiya, kung may ebidensiya, ilahad at sampahan ng kaso kung dapat na mapanagot ang mga involved dito.” —Castro.