Nagsimula ngayong araw, July 20, ang libreng sakay ng Department of Labor and Employment o DOLE, sa ilalim ng Libreng Sakay Program ng Department of Transportation o DOTr, bilang agarang tulong sa mga manggagawang Pilipino na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.
Maaaring sumakay nang libre ang mga manggagawa sa rutang Lawton hanggang Parañaque Integrated Terminal Exchange o PITX via Taft Avenue, tuwing weekdays maliban sa holidays. Ang biyahe ay 7:30 AM mula Lawton papuntang PITX, at 9:00 AM mula PITX pabalik ng Lawton.
Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, pinag-aaralan din ng DOLE ang pagpapalawak ng transportation assistance at pakikipagtulungan sa mga transport group. Aniya, dati nang sinuportahan ng DOLE ang transport sector sa pamamagitan ng TUPAD program.
Bukod dito, nagpapatupad na rin ang DOLE ng shuttle service para sa mga empleyado nito sa rutang Manila–Trece Martires, Cavite, habang aprubado na rin ang ruta patungong Marikina at Cainta, Rizal.
Bahagi ang programang ito ng mga hakbang ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng tumataas na gastusin at ng tensyon sa Middle East sa mga manggagawang Pilipino.