Nagkaisa ang ilang mambabatas sa Kamara sa mariing pagkondena sa “racist portrayal” o rasistang pambabastos ng China Daily sa mga Pilipino, kung saan inihalintulad ang mga ito sa mga unggoy.
Ang naturang pambabastos ay nakapaloob sa isang caricature at video na inilabas ng China Daily isang pahayagang direktang pagmamay-ari ng gobyerno ng Tsina na tumatalakay sa tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Pinoy Worker Partylist Representative Karl Josef Fernandez, ang hakbang ay isang malinaw na propaganda na hayagang nag-aalis ng respeto at umiinsulto sa lahing Pilipino.
Nanawagan naman si Navotas Representative Toby Tiangco sa buong samayanan na magkaisa laban sa ganitong uri ng propaganda na ang target ay ang soberinidad at mismong dignidad ng bansa.
Para naman kay Akbayan Partylist Representative Dadah Kiram Ismula, ang insidenteng ito ang nagpapatunay na “wala nang ilusyon” na maaaring maging strategic ally o estratehikong kaalyado ng Pilipinas ang Tsina.
Dahdag naman ni Akbayan Representative Perci Cendaña, lubhang nakakabahala na ang isang superpower na bansa ay bumababa sa antas ng paggamit ng mga kasuklam-suklam na salita o despicable slurs laban sa mga Pilipino.
Ayon naman kay Senior Deputy Minority Leader Leila de Lima, lalong pinatunayan ng insidente na ang arrogansya ng Tsina ay wala na sa tamang lugar at sumasalamin lamang kung gaano kababa at kaliit ang pagtingin nito sa mga Pilipino.
Samantala, binigyang-diin ni ACT Teachers Partylist Representative Antonio Tinio na ang naturang video ay hindi nagpapakita ng lakas, kundi ng matinding kahinaan ng Tsina para sa kabilang claim sa West Ph Sea.