Binigyang-babala ng Bureau of Customs (BOC) ang publiko laban sa dumaraming kaso ng love scam, kung saan ginagamit ng mga manloloko ang pangalan ng ahensya upang makapanlinlang at makasingil ng pera para sa umano’y parcel na naka-hold sa Customs.
Ayon sa BOC, karaniwang nagsisimula ang modus sa pakikipagkilala sa social media, messaging apps, o online dating platforms.
Kapag nakuha na ang tiwala ng biktima, sasabihin ng scammer na nagpadala siya ng mamahaling regalo mula sa ibang bansa. Kalaunan, may magpapakilalang opisyal ng Customs at hihingi ng bayad para umano sa customs duties, taxes, o processing fees bago mailabas ang package.
Gumagamit din ang mga scammer ng pekeng dokumento, tracking records, at fake websites upang magmukhang lehitimo ang kanilang panlilinlang.
Nilinaw ng BOC na hindi ito naniningil ng bayad sa pamamagitan ng personal bank accounts, e-wallets, o money remittance services.
Hinikayat ng ahensya ang publiko na maging mapanuri, “i-verify ang anumang kahina-hinalang transaksyon sa mga opisyal na channel ng BOC, at huwag agad magpadala ng pera upang makaiwas sa panloloko.